Halalan 2016

    Palapit nang palapit na ang halalan ng 2016. Umiikot na ang mga candidato sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas at sila’y nagpapakilala at nagsasalita sa harap ng mga Pilipino para makakuha ng mga boto. Maraming emosyon at pakiramdam ang pwedeng kumalat sa bansa katulad ng takot, galit, inggit, stress, at iba pa dahil sa eleksyon. Ang mga tao’y maaaring matakot sa anumang resulta pagkatapos ng botohan pero sa palagay ko, mas nastre-stress ang mga kandidato ngayon dahil sa kanilang kailangang gawin para makakuha ng mga boto.

    Sa palagay ko, sila ay dapat marunong magpigil ng kanilang mga emosyon at damdamin. Kapag sila’y pumutok at biglang magalit, maaari itong sisira sa kanilang pangalan at reputasyon. Kung pinapayagan nila na ang mga emosyon nila ang kokontrol sa buhay nila, pwede silang gumawa ng mga maling desisyon at malalaking pagkakamali.

    Para sa akin, mas nababahala ako kung anong mangyayari sa bansa pagkatapos ng eleksyon. Ang lahat ng mga opisyal ng pamahalaan ay papalitan pero anong mangyayari pagkatapos? Anong mangyayari sa ating mga problema katulad ng korupsyon? Sa loob ng ilang buwan, aalis na ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang mga pwesto at ang mga bagong halal ang uupo. Mayroong akong nabasang istorya tungkol kay Napoleon Bonaparte at siya’y nagkaroon ng mga maraming kapangyarihan. Isa sa mga ginawa niya ay naglagay siya ng kanyang mga kamag-anak sa mga posisyon ng kapangyarihan. Ito ay ginagawa din sa Pilipinas at ayoko itong maranasan muli.

    Isang mensahe para sa mga boboto: bumoto kayo nang matalino. Isipin din ninyo ang kinabukasan at hindi lang ang ngayon. Baguhin na natin ang ating sistema at huwag masilaw sa pera kung saan mabibili ang inyong boto.

Sila’y Huwag Kalimutan

Madaming mga tao ay hindi pinapansin
Para sa kanilang mga mabubuting gawain
Kung mawala sila ng isang araw lamang
Makikita natin kung bakit sila’y kailangan

Halimbawa
Ang mga dyanitor ay naglilinis lamang
Pero kung mawala sila
Ay makikita natin ang kanilang halaga
Mamamaho ang mga CR
At dudumi ang mga sahig
Kaya’t huwag na natin pahirapan
At pasalamatan din natin

Ang mga naglilinis ng kalye
Ay may halaga rin
Kung wala sila
Ang ating mga kalye
Ay magiging tambakan ng basura

Ang mga taong na nagtuturo sa atin
Ay tinatawag na guro
Sila’y tumutulong sa mga bata
Para tayo’y matuto

Kung wala sla
Wala tayong malalaman
Kung wala sila
Wala tayong mapupuntahan

Ito ay mga halimbawa lamang
Marami’y nakakalimutan
At mababa pa yung sweldo nila
Huwag na natin pahirapan
Sa halip ay purihin at pasalamatan

Bayan o Sarili

“Bayan o sarili”
Ito ang dapat tanungin
Mabubuti ang mga Pilipino
Pero kayang-kaya ba mag sakripisyo?

Araw-araw
Mayroong masamang nangyayari
Na lumalabas sa TV
Maraming krimen ang ginagawa
Ng mga tao

Sa palagay ko
Ang mga “headlines” ngayon ay tungkol sa eleksyon
Maraming tao ang tumatakbo
Bilang presidente, bise-presidente at senador
Iyan ay ilan lang sa mga posisyon
Tingnan natin kung sino ang mga mananalo

Ang mahalaga lang sa akin
Ang sagot nila sa tanong
“Bayan o sarili?”

Handa ba sila
Ibigay ang lahat para sa mga Pilipino?
Makakaya ba nila
Iligtas ang Pilipinas sa kanser ng bayan?

Ang “kanser ng bayan” ang ginamit ni Rizal
Para ilarawan ang mga masasamang nangyayari noon
Bakit hanggang ngayon
Wala pa itong gamot?

Bayan o sarili?
Sagutin mo na nga ito
Sana lang bayan ang pinili mo
Para makaahon na lahat tayo

Ang Kahalagan Ng Disiplina

    Bakit dinidisiplina tayo ng ating mga magulang at awtoridad? Bakit minsan nagagalit sila sa atin kung may nagawa tayong sala o mali? Bakit mayroong mga panuntunan sa bahay?

    Naisip niyo ba kung anong mangyayari sa atin kung wala tayong mga magulang o awtoridad? Para sa akin, hindi lang sila ang nanay at tatay ko pero sila rin ang aking unang kaibigan. Sila ang mga guro ko dahil tumutulong sila sa aking mga gawain sa eskwelahan. Kung hindi ako sumusunod sa ang aking magulang o awtoridad, maaring hindi ako magiging matalino at disiplinado. Alam ko na minsan, nayayamot ako dahil sa mga panuntunan at sa mga paulit-ulit na sinasabi nila pero kung hindi nila ako tinuturuan ng mga responsibilidad, anong mangyayari sa akin? Kung wala akong disiplina sa sarili, wala akong mararating sa buhay.

    Halimbawa, ayaw kong gumising sa umaga pero pagsasanay ito para sa kolehiyo at trabaho. Para sa akin, nahihirapan pa akong gumising nang maaga at nagagalit ako kapag ako’y ginigising. Palaging sinasabi ng nanay at tatay ko na kailangan ito sa kinabukasan. Kahit mahirap para sa akin at hindi ko ito gusto, sinusubukan ko pa ring gumising nang maaga araw-araw. Kahit mahirap ang mga alintuntunin ng aking mga magulang, iniisip ko na malaking sakripisyo ang binibigay nila sa akin. Kung minsan, nagiging matigas din ang ulo ko. Kapag gumagawa ako ng mga gawaing bahay, hindi ako dapat magdabog at umangal dahil ito ay makakatulong sa akin.

(more…)

Pare-Pareho Tayo Sa Mga Mata Ng Diyos

     Ang Florante at Laura ay isang sikat na kuwento sa aking bansa. Ang istorya na ito ay tungkol sa isang lalaki na ang pangalan ay Florante at ang kanyang mahal na si Laura. Si Florante ay ipinadala ng isang masamang tao sa madilim at mapanglaw na gubat kung saang takot ang nangingibabaw. Sino ba yung masamang tao na iyon? Siya ay si Konde Adolfo, ang pangunahing kontrabida sa storya.

    Syempre naman, mayroong mga ibang importanteng tauhan at isa sa mga iyon ay si Aladin. Sino siya at anong ginawa niya? Noong nasa gubat si Florante, nakatali siya sa isang puno at hindi siya makawala. Tiyak na mayroong mga nakakatakot na hayop sa gubat kaya dalawang leon nga ang nakakita kay Florante na nakatali sa puno. Noong panahong iyon, umiiyak si Florante at sinasabi na nakalimutan na siya ni Laura. Si Laura lang daw ang makakagaling ng kanyang mga sugat. Ang kanyang mga luha ay makakagaling sa kanyang katawan.

    Napakinggan si Aladin ang mga sinasabi ni Florante at naawa siya sa kanya. Nakita niya na malapit na siyang mamatay sa mga kamay ng leon kaya niligtas niya si Florante. Noong nakita ni Florante ang kanyang tagapagligtas, nabigla siya. Bakit? Muslim si Aladin at Kristyano si Florante. Sa pagkakaintindi ko ng istorya, hindi dapat magtulungan ang mga Muslim at ang mga Kristyano.

    Ganito ba dapat sa totoong buhay? Para sa akin, hindi. Kahit iba ang mga relihiyon ng ibang tao, dapat magtulungan pa rin tayo sa isa’t isa at magmahalan dahil ito ang utos ng Diyos. Iba’t iba ang mga paniniwala natin pero sa katapusan, iisang Diyos ang sinasamba natin.

    Hindi natin kailangan hatulan ang mga taong may ibang relihiyon. Pareho lang kasi tayong lahat! May mga kamay, mga paa, mga mata, at mga puso. Walang pagkakaiba sa atin kahit iba ang pinaniniwalaan natin.

    Dapat natin tanggalin ang lahat ng paghusga sa mga tao na may ibang relihiyon at magsimula ng sariwa. Bakit? Iyan ang gusto ng Diyos para sa mga tao at iyan ang dapat gawin natin.

Kaaway: Mamahalin o Kamumuhian

Paano mo mamahalin ang mga kaaway mo?

    Sinabi mismo ng Diyos na dapat mahalin ang mga kaaway natin. Syempre, mahirap gawin iyon dahil kaaway nga natin sila! Paano ba pwedeng gawin yun?

    Para sa akin, maraming beses na nainis o nagalit na ako sa isang tao. Minsan, gusto kong sumigaw pero di ko ginawa. Bakit? Alam kong magiging mas malala ang gulo. Hindi na ako nagsasalita ngunit nagdadasal na lang ako. Nananalangin ako sa Diyos na mapigilan ko ang galit o inis ko sa isang tao. Pagkatapos ng ilang minuto, mas masaya na ako!

    Paano ba nagkaganito ang paksang ito? Ngayon na 2nd Year High School ako, pinagpag-aralan ko ang Florante at Laura. Si Konde Adolfo ang kalaban ni Florante sa libro at mayroong masamang ginawa si Adolfo kay Florante. Kinuha niya ang mahal ni Florante, si Laura, at itinali niya si Florante sa puno sa gubat na madilim at mapanglaw. Wala pa ako sa kalahati ng libro pero umaasa ako na patatawarin ni Florante si Adolfo imbis na magalit pa.

Pagtataksil

     Nagkaroon ka na ba ng pagkakataong pagtaksilan mo ang isang tao? Ako ay wala pa. Sa Ibong Adarna, mayroon akong alam na mga tauhang nagtaksil. Sinu-sino ang mga iyon? Sila ay sina Don Juan at ang mga kapatid niyang sina Don Pedro at Don Diego. 
     Ano ang ginawa nila? Pinagtaksilan ni Don Juan ang dalawang magkapatid na sina Donya Juana at Prinsesa Leonora. Sinabi ni Don Juan na si Donya Juana ang kanyang mahal. Noong nakita niya si Prinsesa Leonora, gayun din ang sinabi niya sa kanya. Ano naman ang nangyari kina Don Pedro at Don Diego? Noong pababa si Don Juan sa balon, pinutol nila ang lubid ni Don Juan. Bakit? Naiinggit silang dalawa sa tagumpay niya. 
     Ano kaya ang mangyayari kapag nalaman ni Don Juan ang ginawa ng mga kapatid niya sa kanya? Ano naman kaya mangyayari kapag nalaman nina Donya Juana and Prinsesa Leonora ang ginawa ni Don Juan sa kanila? Kapag nalaman ko na may isang taong nagtaksil sa akin, mawawala ang tiwala ko sa kanya. Maaring hindi din kami maging magkaibigan ulit. Kung sa tingin mo ay magiging mas madali ang buhay kapag pinagtaksilan mo ang isang tao, kabaligtaran ang pwedeng mangyari. Kung nalaman ng maraming tao ang ginawa mo, pwede kang iwanan at mawawala ang mga kaibigan mo. Mas masama kung malalaman ng pamilya mo ang pagtataksil mo dahil papagalitan ka nila at pwede kang palayasin. 
     Dapat huwag natin gawin ang pagtataksil. Kahit na maaring itago ito, nakikita pa rin ng Diyos ang mga kilos natin. Ang ating mga gawain ay dapat mahusay at mabuti sa mga mata ng mga tao at lalong lalo na sa Diyos mismo.

Kapatid

     Malapit ka ba sa iyong mga kapatid?  Ako, oo. Palaging kong kinakausap ang aking kapatid.  Para sa akin, siya ang aking matalik na kaibigan. Sinusuportahan niya ako sa aking mga gawain at sinusuportahan ko din siya sa kanya.  Kaming dalawa ay parang asin at paminta.  Kami ay may ibang mga ugali pero palagi kaming magkasama.  Hindi ko alam bakit hindi gusto at kasundo ng mga kaibigan ko ang mga kapatid nila.  Sa palagay ko, napakasaya magkaroon ng mga kapatid! 

     Kahit mayroon akong malapit at magandang relasyon sa aking kapatid, nag-aaway pa rin kami paminsan-minsan.  Nag-aaway kami sa mga maliliit na bagay lamang tulad ng pagkain o damit.  Kapag nag-aaway kami, pagkatapos ng ilang minuto, bati na kaming dalawa. 
     Di tulad nina Don Pedro at Don Diego, ang mga magkakapatid ay dapat maging magkakaibigan. Hindi sila dapat maging taksil sa isa’t-isa.  Sa halip, sila ay dapat magmahalan palagi.

     Kahit nakakayamot ang mga kapatid ninyo, dapat mahalin mo sila.  Sinusuportahan nila ikaw sa mga ginagawa mo sa buhay at dapat suportahan mo din sila. 

Ang Bayan Kong Pilipinas

     Maraming bansa ang pumunta sa Pilipinas para lupigin tayo tulad ng Espanya at Amerika. Tatlong daang taong nagtagal dito ang mga Kastilla at apatnapu’t walong taon naman nagtagal ang mga Amerikano. Madaming mga ugali at gamit ang namana natin sa mga Kastila. Siesta, katiwalian, at pagkain ang mga ilang halimbawa. Ang pinakamalaking namana natin sa mga Amerikano ay ang paggamit ng Ingles sa pakikipag-usap at pagsulat imbis na Pilipino. Nahihirapan nga akong makipag-usap sa Pilipino minsan.

     Noong nandito ang mga taga-Espanya at Amerika, maraming rebolusyon ang naganap. Marami doon ay hindi nagtagumpay. Bakit?   Hindi nagkaisa ang mga Pilipino. Bawat grupo ay may iba’t-ibang paniniwala. Hindi nila sinusubukan intindihin ang paniniwala ng ibang grupo. Marahil hindi sila nagkakaintindihan dahil sa dyalekto ng mga grupo sa ibang mga lugar.

     Kapag pumunta ka sa Bohol ngayon, iba yung dyalekto nila. Kapag pumunta ka sa Cebu, iba rin ang dyalekto nila. Hindi tayo natuto mag-usap sa isang dyalekto lang dahil sa ating nakaraan at pulu-pulong anyo ng Pilipinas. Mahirap din dahil noong pumunta ako sa Bohol at Cebu, wala akong naintidihan sa mga sinasabi ng lokal. Dito sa aming bahay, ang mga kasambahay namin ay taga-Romblon. Sila ay may sariling dyalekto na hindi ko talaga naiintindihan kahit tinuturuan nila ako.

     May tanong ako ngayon. Kung nag-uusap pa rin tayo sa ating mga iba’t ibang dyalekto,  ang ibig sabihin ba nito ay hindi pa rin tayo nagkakaisa?  Sa palagay ko, mas nagkakaisa na tayo ngayon nguni’t kulang pa rin. Mayroon na tayong isang presidente na sa tingin ko ay magaling. Karamihan ng mga Pilipino ay sinusuportahan siya. Ang problema lang ay minsan, may mga taong nag-proprotesta laban sa kanya. Ang sinasabi nila ay hindi pa sapat ang ginagawa ng presidente. Sa tingin ko, karamihan ng mga Pilipino ay umaasa sa kanya para gawin lahat. Hindi naman nila ginagawa ang kanilang bahagi upang makatulong sa pag-unlad ng bansa. Halimbawa, hindi nila sinusunod ang mga batas-trapiko. Kahit na ang mga karatulang “Huwag magtapon ng basura dito” o “Huwag umihi dito” ay hindi pinapansin. Ang mga senador at mga nakaupo sa gobyerno ay “corrupt” at kanilang mga sarili lamang ang kanilang iniisip at inuuna. Hindi sila nag-iisip ng mga wastong paraan kung paano gagamitin ang pera para sa mga mahihirap at paano unahin ang kapakanan ng bayan.

     Sana’y magbago na ang kalagayan ng Pilipinas.  Sana’y magbago na tayong mga Pilipino.  Ito ang aking panalangin para sa bansa at sana’y magkatotoo na.

Pagong Panaginip

   Sa Pilipino, ang pinag-aaralan ko ngayon ay Ibong Adarna. Ang Ibong Adarna ay isang storya tungkol sa tatlong magkakapatid na hinahanap ang Ibong Adarna para gumaling ang kanilang tatay na malapit nang mamatay. Pero, sandali. Ano ang Ibong Adarna? Ang Ibong Adarna ay isang engkatadong ibon na napakaganda. Siya ay kumakanta ng pitong kanta na nakakaantok. Pagkakanta niya, nag-iiba ang kulay ng kanyang balahibo. Ang mga taong nakakarinig ng awit ng Ibong Adarna ay nakakatulog. Pagkatapos kumanta ng ibon, dumudumi siya sa tao at nagiging bato ito. Nakakatakot di ba? 
   Ngayon, umimbento ako ng isang engkantadong hayop. Ang hayop na ito ay tinawag kong Pagong Panaginip! 
   Ang Pagong Panaginip ay makikita lamang ng mga taong napakababait at ng mga taong may seryosong problema. Nakakasalita ang Pagong ng kahit anong wika para mas maintindihan siya ng mga tao. Sa mga mababait, kapag nanaginip sila at gusto nila ang kanilang panaginip, tatawagin lang nila ang Pagong Panaginip para panoorin ulit ito. Sino kayang hindi gusto nito?  Kung totoo talaga ang Pagong Panaginip, tatawagin ko siya bawat araw na mayroon akong magandang panaginip para lagi kong itong naaalala.  Masaya, di ba?